Quantcast
Channel: DOCUMENTARY: Zaldy Co, his empire, and the 2025 polls
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3157

#SincerelyScouts: Ulyanin na yata tayo

$
0
0

May narinig tayong kanta sa dumaang tricycle, hindi natin maalala kung saan natin ito unang narinig. Ulyanin na ata tayo.

Sa dami ng ginagawa natin sa araw-araw, sa paaralan, sa trabaho, o sa iba pang aspeto ng ating personal na buhay, halos maubos na ang storage ng ating utak. Parang chat lang, akala mo auto-delete.

Ang bilis nating makalimot.

Pag-uwi natin sa bahay galing paaralan, gagawa ng takdang-aralin na ibinigay ng guro ilang oras pa lamang ang nakakalipas. Bubuksan ang telebisyon, magbababad sa paboritong teleserye o palabas sa paborito nating streaming platform o hindi kaya ay sa TikTok at Facebook Reels.

Gigising tayo kinabukasan, papasok na may hindi pala nagawang takdang-aralin.

Ang bilis nating makalimot.

Lumabas tayo ng bahay bago pumasok, nagbilin si nanay na bumili ng bigas, sibuyas, bawang, at toyo pag-uwi kasi walang isasaing. Habang naglalakad tayo pauwi, paulit ulit nating binibigkas “bigas, sibuyas, bawang, toyo, bigas, sibuyas, bawang, toyo, bigas, sibuyas, bawang, toyo,” kung minsan mapapatid pa tayo. May sumitsit, lumingon naman tayo. “Uy si tropa!” nakipagkwentuhan habang bumibili tayo ng sibuyas, bawang, at toyo.

Pagdating sa bahay, walang takdang-aralin. Nagsalang ng kawali, ginisa ang bawang at sibuyas, para sa adobong may sabaw na paborito ni tatay. Kumalabog ang pinto, tumakbo tayo, nagmano. “Pa, kain na po.”

Pagtingin natin, nakataob ang kaldero, hindi tayo nakapagsaing. Mali. Wala tayong nabiling bigas.

Ang bilis nating makalimot.

Kinabukasan, walang nakalimutang gawain at siguradong walang makakalimutang bilhin pauwi. Naglalakad papasok ng paaralan at may kumaway. Kinawayan din natin. Pamilyar ang mukha, pero sino kaya iyon at saan natin nakilala? “Ah, baka kaklase ko noong Kinder.”

Ang bilis nating makalimot.

Dumating tayo sa paaralan, sakto, may pagsasanay. “Okay class, ¼ size of yellow paper,” ani ni titser. Wala tayong dala, tumingin tayo sa katabi, tiningnan tayo ng katabi, sumimangot ang katabi, sabay dinilaan ang kalahating papel na hawak niya at ibinigay sa atin ang sangkapat.

“Salamat gar, bawi ako,” tumango tayo sa katabi.

Hinanap ang ballpen, “Ay putek, nasa pouch ko kasama ang yellow paper ko.” Naiwan sa bahay, sa kusina, sa mesa, pinatong habang nagluluto ng adobo.

Ang bilis nating makalimot.

Umuwi tayo, nakatapos ng pagsasanay, salamat kay James na nagbigay ng yellow paper at nagpahiram ng panulat. “Ayos, Sabado bukas, pwedeng magpuyat.” Nagkulong sa kwarto at binuksan ang cellphone para maglaro ng Mobile Legends.

Paulit-ulit sa dalawang araw, laro, nood, kain, laro, tulog. Linggo ng gabi, kumatok si nanay, “Matulog ka na, maaga pa tayo bukas.”

Tumingin sa kalendaryo, Mayo 11, 2025. “Oo, eleksyon nga pala bukas.”

Ang bilis nating makalimot.

Bumangon ng maaga, nag-almusal, naligo, tumae ng limang minuto at nag-Tiktok ng tatlumpong minuto. Inabot tayo ng isang oras, kumatok na ulit si nanay, “Ano ba? Alas-otso na!”

Hindi pa nga pala sila nakaliligo. Nagbuhos ng dalawa, kinuha ang tuwalya, lumabas ng kubeta, “Nay, sorry” habang tumatawa.

Ang bilis nating makalimot.

Dumating sa presinto, dala ang voter’s ID. Wow! Habang naghahanap ng bakanteng upuan, may kumaway na isang ka-edaran natin sabay sigaw, “Uy, Alex, kumusta ka na?”

Siya iyong nakasalubong natin noong Biyernes. (Hindi niyo tanda? Ano ba yan?!)

“Hindi mo na ba ako tanda?” sabi ng kumaway. Habang hindi maipinta ang mukha kasi sigurado tayong kakilala natin sila pero hindi natin alam kung saan huhugutin ang pangalan niya.

Nakauniporme, may pangalan, “Uy Lia, ikaw pala ‘yan. Anong ginagawa mo dito?”

Teacher na siya, ni-like pa natin ‘yung post niya noong makapasa siya ng Licensure Examination for Teachers.

Ang bilis mo naman makalimot,” asar ni Lia.

Umupo sa armdesk na inuupuan natin noong tayo ay nasa elementarya pa lamang. Naalala natin ang mga asaran ng mga kaklase natin noon, naghihingian ng baon para lang maiba mula sa araw-araw na hotdog na prinito ni nanay.

Naglista na ng boto,

Para sa Senado,

“1. Boy Tokhang
2. The Great Alalay
3. The Dramatic Rock
4. Alyas PDAF
5. Suntok sa Buwan
6. Spoliarium Eraser
7. Batang galit sa street sellers
8. The Sapaw Queen
9. The Jacket King
10. New York Girl
11. The Traffic Enforcer
12. Teenage Mutinant Ninja Turtle”

Para sa partylist, “eeny, meeny, miny, moe.”

Pinasok ang balota, minarkahan ang daliri, umuwi sa bahay nagmamadali kasi naiihi. “Oh nay, nandito na pala kayo?” Nakangiti, sabi ng nanay, “Sinong binoto mo?”

Payabang tayong sumagot, “Syempre yung sikat sa mga serbey!”

Sumimangot ang nanay, sinigawan tayo, “ANG BILIS NAMAN NATING MAKALIMOT!

Makalipas ang tatlong taon, tumaas ang presyo ng bilihin, ng gasolina, ang sahod nakapako sa kakarampot. Nagkaroon tayo ng pamilya, ang mahal na ng matrikula. Namumrublema tayo kasi sa tatlong buwan manganganak na si misis. Pero sa susunod na dalawang buwan matatapos na ang kontrata.

Paano na? Walang trabahong naghihintay.

Sinisi mo ang mga Senador na walang ginawa kung hindi magturuan, magpasikatan, mamudmod ng scholarship, at iplakada ang mga mukha nila sa bawat tarpaulin na makikita.

“WALANG HIYANG BUHAY ITO OH!” pasigaw habang nagwawala. “Pare-pareho lang talaga ang nasa gobyerno.”

Narinig tayo ni misis, si Lia, “hindi ba sila ang binoto mo?”

Oo nga, ang bilis nating makalimot.

Panulat ni: JK Gamora
Dibuho ni: Precious Bote
Kulay ni: Gwen Eguana 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3157

Trending Articles



<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>