Nitong nakalipas na linggo, naglunsad ng trade war si US President Donald Trump laban sa trading partners: nagpataw siya ng bagong 25% tariffs sa imports mula Canada at Mexico, at dinoble ang duties sa imports galing sa China na ngayo’y nasa 20% na.
Clik here to view.

Gumanti ang Tsina at nag-anunsiyo ng dagdag na tariffs na 10%-15% habang galit na galit ang Canada na nag-retaliate at nagpataw ng 25% tariffs. Sabi ng palabas na Prime Minister Justin Trudeau, pakay ni Trump na wasakin ang ekonomiya ng Canada. Nakaamba rin ang Mexico na mag-retaliate.
Nataranta ang car makers at tumawag sa White House kaya’t binigyan sila ng reprieve. Sa loob ng ilang araw, lumalawak na ang listahan ng exemptions. Samantala, nagbagsakan ang stock markets sa harap ng Trump tariffs, at lumakas ang yen.
Ang trade war ay pruweba na wala nang pag-aatubili ang US na upakan ang sarili nitong mga kaalyado — at ang mga ally na ito ang mas bulnerable dahil sila ang nakakabit ang bituka sa ekonomiya ng US. Tulad na lang ng Canada, 75% ng exports nito ay papuntang US habang 1/3 ng imports nito ang galing US.
‘Literal world order’
Ano ang nangyayari? Wishy-washy at flip-flopping lang ba si Trump? Sabi naman ng iba, ang instinct ni Trump ay instinct ng isang business mogul, kaya protectionist, kaya’t tuwang-tuwa siya sa kapangyarihan ng tariffs. Gusto lang ba niyang mang-bully at magpapansin? Sana nga, pero tila mayroong method to this madness.
“The image of the United States has changed from liberator to great disruptor to a landlord seeking rent.” ‘Yan ang binitawan ni Singapore Defense Minister Ng Eng Hen sa sidelines ng Munich Security Conference.
Sa harap naman ng parlamento ng Singapore, sinabi ni Dr. Ng na mula sa isang “liberal world order” na “inclusive” at nangangalaga ng “global commons,” humaharap tayo sa isang “literal world order” na nakabatay sa laki ng lupain, impluwensiya, at kapangyarihan.
Nanghihingi si Ng ng 12.4% increase sa defense spending na in real numbers ay S$23.4 bilyon. Sabi niya, “basic assumptions changed” and “the future is changed irrevocably.” Tanong pa niya, “How are the fate of nations decided in this literal world order?”
Ramdam ng lahat ang agam-agam ng Singapore na tulad ng Pilipinas ay “friend of all and enemy to none.” Sa harap ng isang “literal world order,” madali itong mapapaluhod ng isang gahamang world power na magkakainteres dito dahil sa liit ng teritoryo at kasalatan ng military power.
Halos ganito rin ang nakataya sa Pilipinas na palagian nang nakikipag-girian sa Tsina dahil sa agresyon nito sa West Philippine Sea. Paano na ang Pilipinas, na nakasalalay sa Mutual Defense Treaty ang sense of security sa harap ng bully na Tsina?
Paano na ang Taiwan, na hindi pa nagkakamit ng status na bansa, at iginigiit ng Tsina na teritoryo nito?
Ipapaliwanag namin ang emerging new world order na ito.
King Trump
Sa pagbasa ni Ezra Klein ng New York Times at Fareed Zakaria ng CNN, pangarap ni Trump na i-expand ang teritoryo ng Amerika — kaya’t may public outbursts siya tungkol sa pag-de-develop sa Gaza bilang Riviera of the Middle East, kagustuhang bilhin ang Greenland, ang pangangalandakan niyang “na-reclaim na” ang Panama Canal, at kagustuhang gawing 51st state ng US ang Canada.
Malawak ang batayan ng bromance ni Trump kay Russian President Vladimir Putin na sinalakay ang Ukraine tatlong taon na ang nakalipas — ito ang pagbabalik sa isang pre-21st century imperialist mode: ang pagkamkam ng teritoryo at paglamon ng mga defenseless na mga bansa.
Sa senaryong ganito, maaaring pabayaan ni Trump ang expansionism ng Tsina at Russia dahil sabi nga niya “America First” at drain sa resources ang mga bansa tulad ng Ukraine na umaasa sa tulong militar ng US.
Maari bang talikuran ng US ang pangako sa Taiwan at Pilipinas? Inilaglag nga nito ang Ukraine na sinusuportahan ng Washington mula pa sa unang termino ni Trump at bahagi ng sinumpaang pangako ng US nang itatag ang NATO nong 1949 — tila hindi na malayo sa katotohanan na abandonahin ang Pilipinas sa bagong kaayusang gustong ipatupad ni Trump. At sino pa ba ang susuwerte pa kay Vladimir Putin na nagising na lang sa late Valentine’s present ni pareng Donald?
Nuclear proliferation
Noong ang Estados Unidos ay committed sa defense ng NATO at Pacific allies, naging unprecedented ang disarmament ng nukleyar na armas matapos ang Cold War.
Pero isang specter ang lumilitaw sa harap ng pag-scramble ng mga bansa na mag-armas. Nakaamba ang nuclear proliferation habang nagpapataas ng defense spending ang buong NATO allies sa Europe, ang Canada, at ang mga bansa sa Southeast Asia. Ito’y sa harap ng walang patid na armament ng China, na layong i-quadruple ang armas a loob ng 10 taon.
Saan pupulutin ang militarily weak na mga bansa tulad ng Pilipinas at Singapore? Balikan natin ang ating world history: ang kasaysayan ng mundo ay isinulat ng mga colonizer conquistadors, at pagkatapos, ng mga imperyalista.
Tandaan natin ang petsang ito – nitong Marso 2025, bumaliktad ang mundo natin. Nitong Marso 2025, napagtanto nating walang kaalyadong forever benevolent. Dahil sa isang iglap, ang “protector” ay naging “aggressor.” – Rappler.com